NAGA CITY – Labis na naghihinagpis ang ina ng sanggol na natagpuan palutang-lutang sa irigasyon sa Goa, Camarines Sur kamakalawa.
Ayon kay SPO1 Edmundo Trinidad, isang tawag ang natanggap ng kanilang himpilan mula sa Goa Infirmary Hospital tungkol sa batang nalunod na dinala sa pagamutan.
Agad binirepika ng pulisya ang pangyayari at napag-alaman isang taon gulang na sanggol ang biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, iniwan ng inang si Marites Corre ang anak sa kanyang lola sa Brgy. Taytay upang pumunta sa banko para mag-withdraw ng pera sa 4Ps.
Pinaniniwalaang nakalabas at nakarating sa bahagi ng irigasyon ang bata na hindi napansin ng nagbabantay.
Ang bahay na pinag-iwanan sa bata ay malapit lamang sa irigasyon.
(KARLA OROZCO)