Friday , November 15 2024

PNoy ‘hawak’ na ni ‘Ping’ sa leeg?

HILO na ang publiko sa tsubibo at dribol ng Palasyo.

Sabay kasing nag-iba ang ihip ng hangin kay Pangulong Benigno Aquino III at Janet Lim-Napoles.

Kung paniniwalaan si rehab czar Panfilo Lacson, mas nauna si Napoles dahil Marso pa lang ay nagpasya na siyang ikanta ang mga kasabwat niya sa P10 bilyon pork barrel scam.

Kwento ni Lacson, kinausap siya ng asawa ni Napoles na dating opisyal ng Philippine Marines na si Jimmy at dalawang anak, at ‘ipinagkatiwala’ sa kanya ang mga dokumento at isang USB na naglalaman ng “revealing” telephone conversation.

Naalala tuloy natin ang pamosong “Hello Garci” tape, ang pag-uusap nina Gloria Macapagal-Arroyo at Comelec Commissioner Virgilio Garcillano sa kasagsagan ng 2004 presidential elections, na yumanig at muntik magpabagsak sa rehimeng Arroyo noong 2005.

Kung sino ang mga personalidad at ano ang kanilang pinag-usapan sa tinukoy ni Lacson na “revealing conversation,” sila na lang ng mga Napoles ang nagkakaalaman.

Ang ipinagtaka lang natin, makaraan ang nasabing Lacson-Napoles meeting ay tila biglang nagkumahog ang Palasyo at si Justice Secretary Leila de Lima na makuha ang affidavit ni Janet na nagdedetalye ng kanyang ‘nalalaman’ sa pork barrel scam.

Kahina-hinala rin na kasabay ng pakikipag-ugnayan ng Palasyo kay Napoles sa pamama-gitan ni De Lima, biglang binasbasan ni PNoy sina Secretary to the Cabinet Rene Almendras at PNP Chief Alan Purisima na samahan si deposed president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada sa Hong Kong para humingi ng apology at magbigay ng compensation sa mga pamilya ng biktima sa 2010 Luneta hostage crisis.

Dahil tinanggap ng Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR) ang apology at compensation ng pangkat nina Erap, Almendras at Purisima, natuwa si PNoy at nagpasalamat pa sa inisyatiba ng sentensiyadong mandarambong kaya natuldukan na raw ang apat na taon nang isyu, at nagbalik na sa normal ang relasyon ng HK at Pilipinas.

Kung para sa Palasyo ay bida ngayon si Erap, ang tatay ni Sen. Jinggoy Estrada na pa-ngunahing sangkot sa P10-B pork barrel scam, may tsansa pa kaya silang makulong ng mga kasapakat sa pagnanakaw sa kaban ng bayan?

NILULUTONG SABWATAN

LABAN SA MAMAMAYAN

HUWAG nating kalilimutan na si Jimmy Napoles ay isa sa coup plotters na kasama ni Sen. Gringo Honasan noong dekada ’80, at ang senador ay mistah ni Lacson sa Class ’71 ng Philippine Military Academy (PMA).

Si Jimmy rin ay napaulat na isa sa mga matataas na opisyal ng Alpha Phi Omega fraternity, gaya ni Vice President Jejomar Binay na isa sa mga lider ng United Nationalist Alliance (UNA) kasama nina Erap at Sen. Juan Ponce-Enrile. (Si Napoles ay naka-confine sa Ospital ng Makati na kaharian ng angkan ni Binay.)

Bilang isang dating opisyal ng militar na nasangkot sa planong pagpapabagsak sa gobyernong Cory Aquino na “God Save the Queen” tiyak may alam si Jimmy sa pagdodokumento ng mga transaksiyon ng kanyang misis, lalo na’t ito ay ilegal.

Ang  kopya ng  “revealing telephone conversation” na nasa USB na ibinigay niya kay Lacson ang pruweba na may hawak siyang “alas” na maaaring maging tuntungan, sakaling may grupong magbalak na maglunsad ng destabilisasyon o kudeta laban sa administrasyon ni PNoy.

Sa dami ng perang hawak ng multi-billion pork barrel scammers, hindi malayong pumasok sa kanilang isip ang “God Save the King” destab plot.

Ngunit alam nilang mahirap nang mag-recruit ng mga sundalo dahil bistado na ng buong mundo na ang kudeta sa ating bansa ay ginagawang negosyo, kaya bina-blackmail na lang nila ang Palasyo para makalusot sa asunto.

JINGGOY MALAMANG

‘DI MAKULONG; DQ NI ERAP, INARBOR NI PNOY SA SC?

DAHIL lumilitaw na may basbas pala ng Palasyo ang pakikipag-negosasyon ni Erap sa HK, duda tayong masasampahan pa ng kaso ang mga senador at mga kasama nilang sangkot sa 10-B pork barrel scam, partiikular ang anak na si Jinggoy.

Matatandaang binanggit ni Jinggoy sa kanyang privilege speech sa Senado na kayang ipakiusap ng kanyang amang si Erap kay PNoy na ilusot siya sa kaso. Ang pagkanta ni Napoles ay posibleng squid tactic na pantakip upang ibitin ang pagsasampa ng kaso laban sa 3 senador. At hindi rin tayo magtataka kung si PNoy pa mismo ang nagdidikta at pumipigil upang hindi maglabas ng desisyon ang Supreme Court (SC) sa nakatenggang disqualification case laban kay Erap.

Ang kapalaran at kinabukasan ng bansa ay nasa kamay na lang ng mga mamamayan kung hanggang kailan sila papayag na idribol ng Palasyo at ng sindikato ng mga mandarambong sa gobyerno.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Dominic Pangilinan Paul Singh Cudail Ako Si Juan

Direk Paul Singh Cudail, balik pelikula via ‘Ako Si Juan’

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio NAGSIMULANG maging direktor ng pelikula Paul Singh Cudail noong 2011. …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *