BASAG ang mga salamin at nasunog ang kotse ni Manila Police District (MPD) Raxabago station commander Supt. Julius Anonuevo damay ang motorsiklo ng kanyang operatiba nang hagisan ng granada ng sinasabing riding in-tandem kahapon. (BRIAN GEM BILASANO)
NATUPOK ang kotse ng station commander habang nadamay ang nakaparadang motorsiklo nang hagisan ng granada ang harapan ng himpilan ng pulisya kahapon ng hapon sa lungsod ng Maynila.
Bagama’t hindi napinsala ang Manila Police District – Police Station 1, natupok ng apoy ang Toyota Vios (ZFN-447) ni Supt. Julius Anonuevo, commander ng nasabing himpilan, sa insidenteng naganap dakong 4:35 p.m. at nadamay ang isang motorsiklo.
Base sa ulat ni PO3 Angelo Punzalan, desk officer, bigla na lamang silang nagulantang sa malakas na pagsabog at biglang pagliyab ang dalawang sasakyan.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at dakong 4:09 p.m. idineklarang kontrolado na ang sunog.
Hinala ng pulisya, ang insidente ay may kaugnayan sa napatay na holdaper ilang linggo na ang nakararaan sa isinagawang police operation sa pangunguna ni Insp. Edward Samonte, Block commander ng Smokey Mountain Police Community Precinct na sakop ng naturang presinto.
Patuloy na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.
(ni LEONARD BASILIO May kasamang ulat nina CAMILLE BOLOS, NIKKI-ANN CABAL-QUINTO, ANTONIO MAAGHOP, JR., BHENHOR TECSON, at LARA LIZA SINGSON)