NAGBANTA si dating Sen. Ping Lacson na ilalabas niya ang sariling kopya ng affidavit ni Janet Lim-Napoles kung lilinisin o tatanggalin ng Department of Justice (DoJ) ang ibang pangalan na sangkot sa kontrobersyal na multi-billion peso pork barrel scam, sa isinumiteng sinumpaang salaysay ni Napoles.
“If it is sanitized, I will release to the public the list that I have. I have high hopes that Secretary de Lima will not sanitize the report. Whatever was given to her, let the axe fall where it should,” ani Lacson.
Nabatid na bukod kay Justice Sec. Leila de Lima, nauna nang nabigyan ng kopya ng affidavit ni Napoles si dating senador Lacson.
Sinabi ni Lacson, maraming senador at kongresista ang idinawit ni Napoles sa korupsyon.
“Sa Senate, may quorum so to speak, at least 12 senators. Sa House mahaba ‘yung listahan. There were names you would expect to be there. Mayroon mga pangalan na nandoon na maingay, mayroong hindi masyadong maingay, mayroong tahimik, basta halo-halo doon. May nakasosorpresa, may mga na-expect ko na talagang dapat nandoon kahit hindi pa nabanggit sa media at hearings sa Senado at House, based on my own information,” ani Lacson.
Ayon pa kay Lacson, may isang senador sa listahan na mas mataas pa ang nakuhang kickback kompara sa tinanggap nina Senators Ramon Revilla Jr., Juan Ponce-Enrile at Jinggoy Estrada.
Nakasaad din sa listahan ang pangalan ng mga opisyal ng DBM na sangkot sa iskandalo at mga senador na hindi pa kailanman nababanggit sa mga pagdinig. Hindi man aniya aabot ng 19 ang mga senador, ngunit aabot ng quorum gayondin ang mga kongresistang nabanggit ni Napoles.
Mayroon aniyang isang senador na maingay laban sa pork barrel scam ngunit kasama pala sa listahan.Naniniwala si Lacson na kaya ipinagkatiwala sa kanya ng mag-asawang Napoles ang listahan dahil siya raw ang malinaw na hindi sangkot dahil tinanggihan niya ang pork barrel fund.
“There were names (of senators who also received kickbacks) who were never mentioned yet during the hearings. While some of these names were not surprising, in a way I did not expect them (to be involved),” ani Lacson. “The three (Revilla, Estrada, and Enrile) appeared to have received a lot, but there was one who got more whose name has yet to be mentioned,” dagdag ni Lacson.
(CYNTHIA MARTIN)
KOMPISAL NI NAPOLES ‘DI PA PWEDENG ISAPUBLIKO — DE LIMA
HINDI maaaring pagbigyan ni Justice Sec. Leila de Lima ang panawagang isapubliko ang buong listahan ng mga idinadawit na mambabatas ni Janet Lim-Napoles, kaugnay ng kontrobersyal na pork barrel fund scam.
Ayon kay De Lima, marami silang konsiderasyon na dapat maintindihan ng publiko, maging ng mga nagsusulong ng maagang paglalabas ng naturang mga pangalan.
Sa ngayon ay hindi pa nila hawak ang supporting evidence na magpapatibay sa ano mang kasong maaaring isampa laban sa mga bagong pangalan na binanggit ng binansagang pork barrel scam queen.
Dagdag pa ng DoJ chief, dokumentado ang mga ibinibintang kina Sens. Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada kaya inilabas nila ang identity ng tatlo.
Habang nagpasalamat si De Lima sa pagkilala ni Rehab czar Panfilo Lacson sa kanyang kridibilidad sa paghawak ng mga ikinompisal ni Napoles.
Mirim kay Ping:
‘WAG MO AKONG ISANGKOT
NAGBABALA si Sen. Miriam Defensor Santiago sa posible pagsangkot din sa kanyang pangalan sa pork barrel scam.
Ito ay kasunod ng naging pagbubunyag ni dating Senador Panfilo Lacson na may hawak siyang listahan ng mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa pork scam na aniya’y 12 ang sangkot na mga senador.
Nagbabala si Santiago na ibubunyag niya ang lahat na kanyang nalalaman sa anomalya ng mga opisyal sa gobyerno pati na ang kanilang personal na buhay kapag isinangkot siya sa eskandalo ng korupsyon sa pork barrel fund.
Aniya, hindi siya aatras sa mga nagnanais na siraan ang kanyang pangalan.
Gayonman, kampante si Sen. Santiago na sakaling isangkot siya sa eskandalo, hindi rin maniniwala ang taongbayan dahil mismong sila ang nakaaalam ng kanyang track record.
Aniya, bagama’t nakahanda siyang idepensa ang sarili ay ipauubaya niya sa publiko ang hatol kung maniniwala silang sangkot siya sa pagnanakaw ng pera ng bayan.
Kasabay nito, kinuwestyon ng senadora ang aniya’y pakikisawsaw ni Lacson sa eskandalo.
Naniniwala si Santiago na ang pag-iingay ni Lacson ay pakana ng mga napangalanan nang sangkot sa P10 billion Priority Development Assistance Fund scam upang mandamay ng iba.
KAHIT KAALYADO KASUHAN SA PORK SCAM — PNOY
HINDI nababahala si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na maubusan ng alyado sakaling marami sa kanila ang madidiin sa pork barrel scam.
Magugunitang batay sa listahan ni Janet Lim-Napoles na hawak ni dating Sen. Ping Lacson, nasa 12 senador at mahigit 100 kongresista ang nakatransaksyon ng negosyante kaugnay sa pork barrel scam.
Bukod dito, lumabas din ang pangalan nina Budget Sec. Butch Abad at Agriculture Sec. Proceso Alcala na sangkot din sa anomalya.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, hindi sila mangingiming pakasuhan at ipalitis ang mga alyado kung tutumbukin ng mga ebidensya.
Ayon kay Coloma, pabor silang mailabas na ang lahat at magkaalaman na kung sino ang mga nakinabang sa katiwalian ng pork barrel fund.
Napaulat din ilang incumbent senators na miyembro ng Liberal Party (LP) na tahasang bumanat kina Enrile, Revilla at Estrada dahil sa pagkakasangkot sa pork barrel scam, ay lumalabas na kasama pala sa listahan ni Napoles.