ISINUGO ni Pangulong Benigno Aquino III si Cabinet Secretary Rene Almendras sa Hong Kong kamakalawa ng gabi upang masungkit ang inaasam na “closure” sa isyu ng 2010 Luneta hostage crisis.
“Wala akong konkretong impormasyon hinggil sa itinerary ni Secretary Almendras. Ang batid ko lang at batid din natin, siya ang inatasan ng ating Pangulo na maging point person sa bagay na ito, at ang ating nais ay makatamo tayo ng mutually satisfactory conclusion,” sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.
Umaasa rin aniya ang Palasyo na ang inisyatiba ni Manila Mayor Joseph Estrada, kasalukuyang nasa Hong Kong, ay makatutulong sa pagsusumikap ng national government na makamit ang “closure and mutually satisfactory conclusion” sa naturang usapin. Tumanggi si Coloma na magbigay ng detalye kaugnay sa misyon ni Almendras sa Hong Kong.
“Sa ngayon ang maaari kong ibahagi sa inyo ay ‘yung puspusang pagsisikap ng ating pamahalaan na matamo na ‘yung closure at ‘yung mutually satisfactory conclusion. Tinitiyak ko sa inyo na lahat ay ginagawa para matamo ito,” ani Coloma. (R. NOVENARIO)