BIGO ang National Bureau of Investigation (NBI) na mahuli ang wanted na si Cedric Lee, nahaharap sa kasong kriminal dahil sa pambubugbog sa actor/TV host Vhong Navarro.
Lunes ng gabi, tinungo ng NBI ang tirahan ni Lee sa West Greenhills, San Juan, pero hindi siya nakita sa lugar.
Bitbit ng mga ahente ng NBI ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Paz Esperanza M. Cortes ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 271, sa kasong serious illegal detention laban kay Lee.
Kasama sa nasabing warrant of arrest ang modelong si Deniece Cornejo, Sajed Fernandez Abunijleho, Jed Fernandez, Simeon Palma Raz, Jr., at Ferdinand Guerrero.
Kaaalis lang ni Cedric nang dumating ang tropa ng NBI at dahil wala si Lee, inimbitahan din ng NBI ang kapatid ni Cedric, si Bernice Lee, para magtungo sa NBI.
Samantala, kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima na isa sa mga suspek sa pambubugbog kay Navarro ay tatayong state witness.
(leonard basilio)
BERNIECE NAGPIYANSA
Nagpiyansa na sa kasong grave coercion ang kapatid ni Cedric Lee, si Bernice, kaugnay ng pambubugbog sa actor/TV host Vhong Navarro.
Ayon sa report, kasama ang mga tauhan ng NBI at kanyang abogado, dumating sa Taguig Municipal Trial Court (MTC) si Bernice para magpiyansa, dakong10:00a.m. kahapon
Sa ulat, P12,000 ang ibinayad ni Lee sa kanyang pagharap kay Judge Bernard Bernal, may hawak sa kaso.
Lunes ng gabi nang arestuhin si Lee ng NBI sa kasong grave coercion, sa kanilang tahanan sa West Greenhills, San Juan, dahil sa kanyang pagkabigo na maghain ng piyansa nitong nakaraang linggo.
Samantala, hindi kasama sa mga ipinaaaresto ng Taguig RTC sa kasong serious illegal detention si Bernice, pero masusing pinag-aaralan ng DoJ na maghain ng mosyon para isama sa arrest warrant si Bernice at kasamahang si Jose Paolo Calma.
Non-bailable offense ang serious illegal detention. (JAJA GARCIA)
Sa llegal detention case
2 AKUSADO KINUWESTYON NI VHONG
KINUWESTYON ng kampo ng TV host/actor na si Vhong Navarro ang desisyon ng Taguig Regional Trial Court kung bakit pinalusot ang dalawang iba pang akusado sa serious illegal detention case.
Sinabi ni Atty. Alma Mallonga, isa sa mga legal counsel ni Navarro, karapatan nilang humingi ng paliwanag sa korte kung bakit hindi isinama sina Bernice Lee at Jose Paolo Calma sa negosyanteng si Cedric Lee, model na si Denice Cornejo at tatlong iba pa sa ipinaaaresto sa kasong walang piyansa.
Ayon sa abogada, bagama’t hindi pa niya nakikita ang desisyon ni Judge Paz Esperanza ng Taguig Regional Trial Court Branch 271, nagtataka sila kung bakit hindi isinama ang kapatid ni Cedric at si Calma.
Una rito, natuwa si Mallonga sa naging desisyon ni Judge Esperanza na kinatigan ang reklamo ni Navarro na ipaaresto na ang grupo ni Lee.
Umaasa aniya sila na susuko sa lalong madaling panahon ang mga akusado dahil kung hindi ito mangyayari, magiging “fugitive of the law” na sina Cedric.
Bukod kina Cornejo at Lee, kasamang ipinaaaresto ng korte sina Jed Fernandez, Simeon Raz at Ferdinand Guerrero.