TILA nag-iilusyon lang si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na may kasama siyang mga opisyal ng Palasyo sa pagpunta sa Hong Kong kahapon para humingi ng apology kaugnay sa 2010 Luneta hostage crisis.
Sinabi kahapon ni Cabinet Secretary Rene Almendras, hindi siya nagtungo sa Hong Kong kahapon, bagkus ay nasa Maynila lang siya at dumalo pa nga sa ilang pulong.
“No I am here in Manila and just had meetings,” sagot ni Almendras nang usisain kung kasama siya ni Erap na nagpunta sa Hong Kong.
Ang pahayag ni Almendras ay taliwas sa ipinangalandakan ni Estrada na siya at si PNP chief Director General Alan Purisima ay magkakasamang nagtungo sa Hong Kong para makipagpulong kay Hong Kong Chief Executive Chun-Ying para humingi ng paumanhin kaugnay sa Luneta hostage crisis.
Nauna nang itinanggi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., ang nasabing pahayag ni Estrada.
(ROSE NOVENARIO)