MAKIKILATIS sa isang bigating torneyo ang tatlong Grandmasters of Memory (GMM) ng bansa na sina Mark Anthony Castaneda, Erwin Balines at Johann Abrina.
Naimbitahang lumahok ang tatlo sa Extreme Memory Tournament 2014 sa Abril 26-27 sa Dart Neuroscience Convention Center, San Diego, California.
Makakaharap nila ang mga top mind athletes ng mundo kabilang ang world No.1 na si Johannes Mallow at ang dating world champion na si Gunther Karsten ng Germany.
“Talagang salang-sala ang torneyong ito. Ang mga pinakamahuhusay lang sa mundo ang naimbitahang sumali dito,” sabi ng head of delegation at coach ng koponan na si Roberto Racasa.
Ang 16 na manlalaro ay hinati sa apat na grupo kung saan napabilang sina Castaneda at Abrina sa Group A at si Balines naman ay napunta sa Group B.
Ang top two players ng bawat grupo ay uusad sa knockout stage kung saan one-on-one ang labanan.
Ang kampanya ng mga Pinoy sa naturang torneyo ay suportado ng AVESCO Marketing Corp. at ng Philippine Mind Sports Association, Inc. sa tulong na rin ng CGBP.org, Hotel Sogo and Eurotel, W.I.N. International, at Rotary Club Of Pasig City. (ARABELA PRINCESS DAWA)