INIHAYAG ng Department of Justice (DoJ) na bahala ang Office of the Ombudsman sa pagtanggap bilang state witness kay Atty. Gigi Reyes, ang dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce-Enrile.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, nananatiling isa sa principal player/respondent sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam si Reyes.
Gayonman inaabangan pa rin ang pinakalayunin ni Reyes sa pagbalik ng bansa kaugnay sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa PDAF scam.
Idiniin ni De Lima na karapatan din ng dating chief of staff ni Enrile na maidepensa ang sarili.
Sa ngayon, nananatili ang “standing order” ng DoJ sa Bureau of Immigration na pigilan ang paglabas ni Reyes ng Filipinas bunsod ng inilabas na “lookout bulletin order” ng ahensya.
(KARLA OROZCO)
PALASYO WALANG KINALAMAN
WALANG kinalaman ang Palasyo sa pagbabalik sa bansa ni Jessica “Gigi” Reyes.
Ito ang pahayag kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., bilang reaksyon sa akusasyon ni Sen. Miriam Defensor – Santiago na ang Malacañang ang nasa likod ng pagbabalik sa Filipinas ng dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile.
Ayon kay Coloma, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na walang imbitasyon ang Department of Justice (DoJ) kay Reyes para bumalik sa bansa para maging testigo ng estado laban kay Enrile, kapwa akusado sa P10-B pork barrel scam kasama sina Sens. Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
“Hihintayin natin na umiral ang mga (kaukulang) proseso ng batas hinggil diyan. Wala tayong proyekto na pasalitain siya o anyayahan siyang gumawa ng ano mang bagay na hindi naman nanggagaling sa kanyang sariling inisyatiba,” dagdag pa ng kalihim.
(ROSE NOVENARIO)