SA dulo ng elimination round schedule ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s cup ay kitang-kita na nagi-improve naman ang performance ng Globalport sa ilalim ni coach Alfredo Jarencio.
May ilang mga laro na muntik na silang manalo subalit kinapos sa endgame o kaya ay naubusan ng suwerte kung kaya’t nanatiling winlesss sa unang walong games nila.
Pero bago natapos ang schedule ng Batang Pier, hayun ay nakapagtala rin sila ng panalo. Hinila nila sa hukay ang Barako Bull na naungusan nila noong Lunes.
So, nagtapos ang Globalport sa record na 1-8 at ang Barako Bull sa 2-7. Pareho silang tuluyang nalaglag at namamahinga ngayon. O naghahanda para sa third conference.
Ang maganda nito’y matapos ang laro ng Globalport at Barako Bull ay si Jarencio ang nakangiti samantala si Bong Ramos ng Energy ang nakakunot-noo.
Katunayan, papasok sa pressroom sa unang pagkakataon, napahiyaw si Jarencio ng “At least happy ending!”
Na siyang totoo. Kahit na sila ang kulelat, sila ang masaya. Malungkot ang Barako Bull.
Kasi nga ay matagal na namang natanggap ng Globalport ang kapalaran nito na hindi papasok sa quarterfinasl.
At dahil sa mataas ang morale nila sa pagtatapos ng sked nila, syempre ganado silang paghandaan ang susunod na conference.
Nakatikim na ng panalo si Jarencio kaya nais niyang maipagpatuloy ang feeling na ito.
Anumang araw ngayon ay pararatingin na nila ang kanilang import para maagang makapaghanda.
Ang kanilang goal ay modest lang: Makarating sa quarterfinals.
Pero hindi naman doon matatapos ang kanilang pangarap.
Kapag narating nila iyon, e di aambisyunin naman nila ang mas mataas!
Isa-isa lang.
Sabrina Pascua