TINATAYANG P700,000 halaga ng ilegal na droga na nakompiska sa tatlo katao, kabilang ang dalawang menor de edad na babae at lalaki, nitong Biyernes Santo sa isinagawang buy-bust operation ng Marikina PNP.
Sa nakarating na ulat kay S/Supt. Vincent Calanoga, chief of police ng Marikina-PNP, kinilala ang mga suspek na sina Recon Pimba, 38, alyas Recon, may-asawa, isang alyas Yasmin, 17-anyos, at alyas Jerome, 17-anyos, kapwa ng Blk-43, Singkamas St., Brgy. Tumana.
Ayon kay Station-Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) chief, S/Insp. Glenn Aculana, dakong 2:20 p.m. isinagawa ang buy-bust operation nang magpanggap na bibili ng droga si P02 Norberto Sa-boriendo.
Dakong 5:30 p.m., bumili ang poseur buyer sa mga suspek dala ang marked money na limang pirasong tig-P500, na ikinadakip ni Recon, kabilang ang dalawa pa.
Nauna rito, isang impormante ang nagtungo sa himpilan ng pulisya na nagsabing nasa lugar si Recon at hayagang nagbebenta ng shabu kaya’t agad bumuo ng team si Aculana at naging positibo ang resulta.
Samantala, aatasan ng Marikina City government ang City Social Welfare and Development partikular ang Vice Mayor’s Office, ang namumuno sa CADAC, na magtungo sa National Statistics Office (NSO) para tukuyin ang dalawang menor de edad na naaresto. (ED MORENO)