GENERAL SANTOS CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa pagbaliktad ng van sa Brgy. Pagalungan, Polomolok, South Cotabato kamakalawa na ikinamatay ng dalawa katao habang 15 iba pa ang sugatan.
Agad namatay sa insidente ang mga pasaherong sina Teodoro Pepito Jr. ng Lapu-Lapu City, Cebu; at Pablo Pinion, 47, ng Brgy. Pagalungan, Polomolok, South Cotabato.
Ayon kay PO1 Bobby Villena ng Polomolok-PNP, mula sa lungsod ng Pagadian, Zamboanga del Sur ay patungo sa GenSan ang van (ZEW 319) at pagdating sa Pagalungan area ay bumaliktad ang naturang sasakyan.
Sa imbestigasyon, nawalan ng kontrol ang driver na si Jomar Mintal na taga-Kinam, Malapatan, Sarangani dahil mabilis ang pagpapatakbo ng sasakyan at biglang nagpreno dahil may pasaherong pumara.
Nang madulas at bumaliktad ay nasagasaan ng van ang nagbibisikleta na si Pinion at nahulog sa kanal.
Ayon sa mga nakasaksi, bagama’t duguan ang driver ay tumakas makaraan ang insidente.