MATAPOS makipag-karera sa laro ni kamatayan, tinodas ang isang lalaki, habang anim ang sugatan, nang mamaril ang kaniyang tinalong kalaban, kahapon sa Quezon City.
Patay na nang makarating sa Commonwealth Medical Center ang biktimang si Jacky Rajaroja, 22-anyos, ng Lot 2, Blk. 30, Tesalonian st., Jordan Plains Subd., Brgy. Sta. Monica, Novaliches.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Carl Webb, 38; Michael Ray Tolentino, 33; Jeffrey Viray, 32; Mico Caguindagan, 19; Nico Tanchavez, 28; at Joel Salvador, 22-anyos.
Samantala, hinahanting na ng mga awtoridad ang suspek na kinilala sa alyas Ian, na tumakas matapos ang pamamaril.
Ayon kay PO2 Jaime Samson ng Quezon City Police District (QCPD) station 5, naganap ang pamamaril bandang 4:00a.m. sa Aberdeen st., Greater Lagro sa siyudad.
Sa ulat, nagkarera ng kotse ang suspek at si Rajaroja na may malaking pustahan at dito natalo ang una.
Dahil sa pangyayari, naghamon ulit ng karera ang suspek pero tumanggi ang biktima kung kaya’t pinaulanan siya ng bala at tinamaan din ang iba pang naroroon sabay iktad sa lugar.
(JETHRO SINOCRUZ)