ILANG araw bago ang pagpaso ng temporary restraining order (TRO) laban sa bigtime power rate hike ng Meralco, umapela muli ang mga militanteng mambabatas sa Supreme Court (SC) na palawigin ang pagpigil nito.
Nabatid na P4.15 per kilowatthour ang power rate hike dahil sa paniningil ng mga generating company laban sa Meralco.
Kasama sa mga naghain ng motion to extend TRO ay sina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at Carlos Zarate, Gabriela Rep. Luz Ilagan at Emmi De Jesus, ACT Rep. Antonio Tinio at Kabataan party-list Rep. Terry Ridon, pati na ang grupong People Opposed to Unwarranted Electricity Rates o POWER.
Naniniwala ang mga petisyuner na sakaling hindi mapalawig ang TRO, magreresulta ito sa grave and irreparable injury sa panig ng milyon-milyong consumer ng Meralco.
Ito ay dahil magiging malaya na ang Meralco na maningil ng bigtime power rate hike sa kabila nang malinaw na ebidensya ng sabwatan at pag-abuso sa merkado ng nasabing kompanya at ng ilang generating company.
Una nang nagpalabas ang Korte Suprema ng 60 araw na TRO laban sa bigtime power rate ng Meralco noong Disyenbre 23, 2013 ngunit ito ay pinalawig ng hukuman hanggang April 22, 2014.
(JETHRO SINOCRUZ)