DAGUPAN CITY – Ipinaalala ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates “Soc” Villegas ang kahalagahan ng paggunita sa Mahal na Araw, na ibinuhos ng Panginoong Hesukristo ang pagmamahal niya sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit sa krus.
Sa mensahe ng arsobispo sa Sambayanang Filipino ngayong Semana Santa, sinabi ni Bishop Villegas na ang pagmamahal na ito ng Diyos sa tao ay maaaring maibalik natin sa Panginoon sa pamamagitan ng paggawa nang matuwid at paglalaan ng oras para sa taimtim na panalangin upang marinig ng ating mga puso ang tinig ng Diyos.
“Pumapasok na po tayo sa mga Mahal na Araw, mahal ang mga araw na ito sapagkat binuhusan ito ng matinding pagmamahal ng ating Panginoong Hesukristo.”
“At kung tayo ay magbubuhos din ng matinding pagmamahal katulad ng kanyang ginawa, magiging banal din para sa atin ang mga araw na ito.
Ano po ang landas ng kabanalan, ano po ang mga dapat nating gawin upang maging Holy po talaga ang ating Semana Santa. Ang una po ay panalangin, pero panalangin hindi lamang sa bibig, kundi panalangin ng pakikinig.”
Sinabi rin niya na ang panahon ng Mahal na Araw ay panahon ng pagbibigay, pagsasakripisyo at pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa at sa Diyos na may likha sa Sanlibutan.