SA harap nang nakaambang aberya sa supply ng koryente sa Luzon, bumagsak kahapon ang Masinloc coal-fired power plant sa Zambales.
Ayon kay Department of Energy Electric Power Industry Management Bureau director Mylene Capongcol, tinatayang aabutin ng tatlong araw bago makumpuni ang nakitang leak sa boiler ng planta.
Ang Unit 2 ng planta ay mayroong output na 300 megawatts ng koryente.
“Kani-kanina lang kami ay nakatanggap ng advisory from the National Grid Corp. of the Philippines na ‘yung Masinloc Unit 2 ay bumagsak. Bigla siyang nasira at hindi nakapag-produce ng koryente at 7:55 a.m.,” ayon sa opiyal.
Aminado si Capongcol na kapag hindi agad naagapan ang problema, posibleng magdulot ito ng brownout dahil sa mababang supply ng koryente sa rehiyon.
“Pag may bumagsak na planta, ito ay ninipis at hindi matutugunan lahat na requirement.”
Simula ngayong araw, ilalagay na o sa “yellow alert” ng DoE ang Luzon power grid dahil sa nakaambang maintenance activities ng Malampaya power plant.
Ayon kay Energy Sec. Jericho Petilla, nangangahulugan ito na mas mababa pa sa 600 megawatts ang magiging power reserves sa Luzon dahil sa “restricted capacity” ng Malampaya.
Nilinaw ng kalihim na matagal nang naka-schedule ang naturang maintenance ngunit naipagpaliban dahil sa naranasang aberya sa Masinloc at Pagbilao power plants.
ni LAYANA OROZCO
BROWNOUT ‘DI NA MAUULIT – PALASYO
HINDI na mararanasan ang malawakang brown-outs tulad noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Ito ang pahayag ng Malacañang makaraan ideklara ang yellow alert ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa emergency shutdown ng Masinloc power plant sa Zambales at ang naka-schedule na maintenance shutdown ng ilan pang planta ng koryente sa Luzon.
Pinalawig pa ang shutdown ng Pagbilao power plant habang may gas restriction ang Malampaya plant simula ngayong Miyerkoles.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., hindi tumitigil ang Department of Energy (DoE) sa paghahanap ng mga paraan para matiyak ang sapat na supply ng koryente lalo na ngayong panahon ng tag-init.
Naunang inihayag ng Palasyo na medyo manipis ang supply ng koryente ngayong summer kaya’t pinaalalahanan ang publiko na magtipid sa konsumo ng koryente.
Matagal nang nagpepenitensiya ang mga taga-Mindanao dahil sa dinaranas na mahabang oras ng rotating brown-out kaya’t iginiit sa Palasyo na sibakin na si Energy Secretary Jericho Petilla.
(ROSE NOVENARIO)