NAGWAGI si Pinoy GM John Paul Gomez habang nabigo naman si GM Oliver Barbosa sa round four sa nagaganap na 14th Bangkok Chess Club Open 2014 sa Thailand Lunes ng gabi.
Sinaltik ni No. 6 seed Gomez (elo 2524) si IM Aleksandar Wohl (elo 2355) ng Australia matapos ang 25 moves ng Pirc upang manatiling malinis sa apat na laro.
Kasama ni Gomez sa unahan tangan ang four points sina top seed GM Francisco Pons Vallejo (elo 2693) ng Spain, GM Suat Atalik (elo 2562) ng Turkey at GM Gerhard Schebler (elo 2451) ng Germany.
Kinaldag ni super GM Vallejo si GM M.R. Venkatesh (elo 2515) ng India matapos ang 42 moves ng Pirc habang inabot lang ng 26 sulungan ng Reti bago tinibag ni Atalik si FM Shinya Kojima (elo 2361) ng Japan.
Gumamit naman ng Nimzo-Indian defense si Schebler upang biguin sa 68 moves si Pinoy woodpusher GM Oliver Barbosa (elo 2580).
Sa fifth round makikilatis ang tikas ni Gomez dahil makakalaban niya si Vallejo sa top board sa event na ipinatutupad ang nine rounds swiss system.
Maghaharap naman sa board two sina Atalik at Schebler.
Nakihalo naman si Pinoy chesser GM Darwin Laylo sa fifth to 11th place hawak ang 3.5 points ito’y matapos pagpagin si Raja Harshit (elo 1996) ng India sa kanilang 26 sulungan ng Slav.
Malaki naman ang tsansa ni ranked No. 8 Laylo (elo 2511) dahil makakaharap niya ang mababang rating na si Yan Liu (elo 2264) ng China.
“Dikit naman ‘yung score ko sa mga nangunguna kaya malaki ang tsansa natin na makasampa sa tuktok,” wika ni Laylo.
(ARABELA PRINCESS DAWA)