KINONDENA ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) ang kaagad pagsasara ng kaso kaugnay ng sinasabing suicide ng asawa ng broadcaster na si Ted Failon na si Trinidad Etong na namatay noong Abril 16, 2009.
Sa pahayag ng 4K, limang taon na ang nakararaan pero marami pa rin dapat sagutin si Failon lalo ang pagpapalinis niya sa lugar ng suicide na malinaw na obstruction of justice gayondin ang kaugnayan ng negosyanteng si Delfin Lee sa kaso.
“Kung ang pulis na si (Gerardo) Biong, nakulong ng 15 taon sa paglilinis sa pinangyarihan ng Vizconde Massacre, bakit nakalusot si Failon o ang mga inutusan niyang kasambahay dahil malinaw na ito ay obstruction of justice,” ayon kay 4K secretary general Rodel Pineda. “Ano ang kaugnayan ni Lee sa pangyayari? Bakit nauna pa siyang dumating sa bahay ni Failon kaysa mga miyebro ng SOCO?”
Bagamat negatibo sa paraffin test si Failon, iniulat ng NBI na negatibo rin sa pulbura si Trinidad kaya posibleng iba ang nakabaril sa biktima at dito dapat isailalim sa lie-detector test si Lee kung muling bubuksan ang kaso.
May hinala ang 4K na namaniobra ang imbestigasyon ng NBI dahil pumasok ang bala sa kanang sentido at nag-exit sa ibabang tenga ni Trinidad na imposibleng trajectory dahil kaliwete ang biktima na ni hindi maikakasa ang ginamit na Walther ppk.380 caliber na matigas kalabitin.
“Nitong Pebrero lamang naabsuwelto sa kaso ang mga pulis ng Quezon City na nag-imbestiga sa pangyayari kaya dapat buksan muli ang kaso upang magkaroon ng katarungan ang pagkamatay ni Trinidad,” dagdag ni Pineda. “Bakit nagbulag-bulagan ang mga awtoridad tulad ng NBI lalo sa paglinis sa mga ebidensiya sa kaso? Natatakot ba sila kay Ted Failon o may iba pang dahilan?”
Nanatiling tikom ang bibig ng pamilya ni Failon hinggil sa insidente ng anila’y pagpapakamatay ng babaeng Etong. (HNT)