INAMIN ng board governor ng Barangay Ginebra San Miguel na si Robert Non na nagulat siya sa biglaang desisyon ng import ng Kings na si Josh Powell na umalis na sa koponan para makapaglaro sa NBA.
Kinompirma ni Non na tinanggap na ni Powell ang alok ng Houston Rockets na makalaro sa kanila para lang magkaroon ng dagdag na kita sa ilalim ng kanyang pensiyon bilang manlalaro ng NBA.
“Sabi niya, pag na-sign up pala siya, considered na one year siyang naglaro (sa NBA), and he will be entitled to an (NBA) pension already,” wika ni Non noong Linggo ng gabi pagkatapos na muling matalo ang Ginebra kontra Alaska, 83-73, sa PBA Commissioner’s Cup.
Naglaro lang si Powell sa unang half ng laro at wala siyang naitalang puntos.
“Sabi niya (Powell) I’ll try first two minutes in the second half. Eh huwag na lang siya maglaro kung ganun,” galit na sinabi pa ni Non.
Habang sinusulat ang balitang ito ay naghihintay pa ng bagong import ang Ginebra pagkatapos kina Leon Rodgers at Powell.
Pinagpipilian ng Ginebra kung sino kina Andre Emmett ng Memphis Grizzlies o Charles Thomas ng Arkansas University ang magiging bagong import ng Kings para sa susunod nilang laro kalaban ang Rain or Shine sa Linggo ng Pagkabuhay.
“Kung ako, I’ll go for the small guy (Emmett) para pag nakita ko, diretso na, kasi it’s either you end up No. 5 or 6 if we win, or no. 7 or 8 kapag natalo ka (against Rain or Shine) so ang hirap nun. Ang kalaban mo either Talk ‘N Text or San Miguel Beer. Ang bigat nun. Eh at least makikita namin itong Emmett,” pagtatapos ni Non.
ni James Ty III