ni Ed de Leon
SINABI ni Professor Felipe de Leon ng NCCA, hindi po iyan iyong national artist, anak lang iyan. Naniniwala raw sila na baka hanggang sa susunod na buwan idedeklara ng National Artist si Nora Aunor. Matagal na iyang ginawa nilang nomination eh, at siguro nga magandang timing naman iyong next month, kasabay ng birthday ni Nora. Sinasabi nga namin, kung ibibigay nila iyan, ibigay habang pakikinabangan pa niyong tao.
Una, magagamit niya iyan dahil baka sakaling kung ideklara nga siyang national artist, magkaroon ulit ng interest ang mga producer na kunin siya sa totoong pelikula, hindi iyong puro indie na lang ang ginagawa niya. Para kasing ayaw na nilang mamuhunan kay Nora ng malaki eh, kaya mga baguhan na lang ang kumukuha sa kanya, iyong ang budget ay barya-barya na lang.
Isa pa, iyong mga national artist, maski na maliit lang, may pension iyang natatanggap buwan-buwan, kahit na paano makatutulong din iyon kay Nora. May panggastos siya sa kung ano ang kailangan niya, hindi iyang ganyang nababalita na may nagmamagandang loob lamang na bayaran ang kanyang inuupahang condominium dahil hindi na niya kayang magbayad.
Noong araw na si Kuya Germs pa ang nakikipag-negotiate sa kanyang career, talagang ipinipilit niyon na kung sino man ang kokontrata kay Nora, sila ang magbabayad ng bahay at magpapahiram ng sasakyan sa kanya. Eh ngayon, hindi na ganoon ang sitwasyon, wala kasing ibang takers eh. Kaya kahit na paano, sabihin mo mang halos barya lang ang pension ng mga national artist, at hindi na nga pinagkaka-abalahang kunin ng iba, para kay Nora malaking tulong na iyon.
At saka kailan pa nila ibibigay ang ganyang parangal, kung hindi na pakikinabangan pa niyong tao? Tingnan ninyo sina FPJ at Mang Dolphy, ipinagpatayo pa nila ng monumento sa Roxas Boulevard, pero ni hindi na nila nakita ang monumento nila.