SINIBAK na sa serbisyo ang 13 pulis, kabilang ang sugatan na si mission commander Hansel Marantan, kaugnay sa naganap na Atimonan rubout nitong Enero, 2013.
Ang 13 ay napatuna-yang guilty sa “serious irregularity in the performance of duty,” ayon sa March 5 decision na nilagdaan ni Philippine National Police chief, Director General Alan Purisima.
Magugunitang 12 ka-tao, kabilang ang environmentalist na si Jun Lontok, ang napatay ng mga nabanggit na pulis sa iginigiit nilang lehitimong operasyon laban sa mga kriminal ngunit napatunayan ng National Bureau of Investigation (NBI) na rubout ang nangyari.
Bukod kay Marantan, deputy chief ng Quezon Province regional intelligence division nang mangyari ang insidente, kabilang din sa sinibak sa serbisyo ay sina Supt. Ramon Balauag, chief of the provincial intelligence branch; Chief Insp. Grant Gollod, chief of police, Atimonan municipal station; Senior Insp. John Paulo Carracedo; Senior Insp. Timoteo Orig; SPO3 Joselito De Guzman; SPO1 Claro Cataquiz, Jr.; SPO1 Arturo Sarmiento; PO3 Eduardo Oronan; PO2 Nelson Indal; PO2 Al Bhazar Jailani; PO1 Wryan Sardea; at PO1 Rodel Talento.