HINDI “binuraot” ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares ang tagumpay ni Pambansang Kamao Manny “Pacman” Pacquiao nang ipaalala sa kanya ang mga utang sa buwis, ayon sa Malacanang.
Ito ang pahayag kahapon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte hinggil sa paalala ni Henares kay Pacquiao kaugnay sa utang ng Pambansang Kamao sa BIR na mahigit dalawang bilyon pisong buwis.
“As far as I know from Commissioner Henares, they have been working with Congressman Pacquiao on his… If I remember, that’s liabilities from 2008 or in 2009? So perhaps it was just a reminder. I… At this point, I don’t think that she meant to be a spoiler to his victory,” ayon kay Valte.
Ani Valte, hindi tama ang obserbasyon na nakikiangkas si Henares sa popularidad at tagumpay ni Pacquiao dahil walang ambisyong politikal ang BIR chief.
Nauna rito, sinabi ni Henares na dapat bayaran agad ni Pacman ang nararapat na buwis sa pinakahuli niyang laban kay Timothy Bradley para hindi na niya abutin pa ang pagkaipon ng hindi nababayarang buwis sa gobyerno sa nakalipas niyang mga laban.
(ROSE NOVENARIO)