ATTEMPTED arson ang kahaharapin ng lalaking nagtangkang sumunog sa bahay ng kanyang karibal, nitong nakaraang linggo sa lungsod ng Taguig.
Swak sa detention cell ng Taguig police ang suspek na si Renato Bianzon, Jr., nasa hustong gulang, tubong Cavite city, nang masakote ng pulisya dahil sa pagtatangka niyang silaban ang bahay ng kanyang karibal na si Johnny Valdez sa Orchids St., Katipunan Village, Western Bicutan.
Base sa ulat ng pulisya, magkaribal ang dalawa sa iisang babaeng itinago sa pangalang Myra, pero pinili ng dalaga si Valdez, dahil walang hanapbuhay ang suspek.
Ayon sa ulat ni SPO1 Rodelio Abenojar ng Taguig police, bago mangyari ang panununog noong Biyernes ng gabi, nahuli ni Valdez si Bianzon na umaaligid sa kanilang bahay dakong 8:00 a.m. kaya humingi siya ng tulong sa mga barangay tanod.
Nang kapkapan si Bianzon nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang patalim pero mabilis siyang nakatalilis.
Sa ulat, muling nagbalik kinagabihan ang suspek sa bahay ni Valdez na may dalang timba na may lamang tela at gasolina, saka sinindihan at inihagis sa loob ng bahay ng karibal.
Mabilis na nagliyab ang dingding at ang kisame ng bahay ni Valdez pero dahil tumulong ang mga kapitbahay agad naapula ang apoy.
ni JAJA GARCIA