CAGAYAN DE ORO CITY – Mas lalo pang hinigpitan ngayon ang ipinatutupad na seguridad sa Cagayan de Oro-Lumbia City Jail sa lungsod ng Cagayan de Oro.
Ito’y bunsod ng isinasagawang hunger strike ng 125 inmates na mga miyembro ng grupong tinaguriang “Batang Mindanao” (BM-29) sa nasabing kulungan.
Inihayag ni City Jail Warden Supt. Erwin Kenny Ronquillo, totoong hindi tinanggap ng grupo ang kanilang almusal kaya agad nilang binuo ang quick response team para magbigay seguridad sa kulungan.
Sinabi ni Ronquillo, nasa hiwalay na gusali ng jail facility ang BM-29 members kaya nalimitahan ang kanilang mga ginagawa.
Dumating na rin ang isa pang special team mula sa regional office ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP-10) upang magbigay ng karagdagang seguridad sa lugar.
Iginiit ng mga bilanggo, naglunsad sila ng hunger strike dahil hindi malinis ang kanilang water supply at iniipit ang mga dalaw ng grupo.
Nasa 1,043 ang inmates at mahigit 900 sa kanila ay inilagay sa bagong jail facility na walang kinabibilangan na pangkat o grupo.
(LANI CUNANAN)