DAPAT nang sibakin ni Pangulong Noynoy Aquino si Al Vitangcol bilang pinuno ng Metro Rail Transit.
Ito ang napapanahong gawin ng Malakanyang dahil bukod sa usapin ng lagayan sa pagbili ng train na ibinulgar ni Czech Ambasaddor Josef Rychtar na nagkakahala ng $30 million ay hindi rin mapasisinungalingan na lumalala ang kapalpakan sa operasyon ng MRT sa bansa sa panunungkulan ni Vitangcol.
Hindi rin katanggap-tanggap sa madla ang mga excuses ng MRT boss dahil bilang pinuno ng isang ahensya ay marapat gumagawa siya ng pag-aaral at solusyon.
Naniniwala kasi tayong may solusyon ang lahat ng problema sa MRT kaya’t dito dapat naging maabilidad si Vitangcol lalo na’t kabuhayan ng mananakay ang nakataya rito.
Malinaw na sa konsumo pa lang sa oras ng pila ay pinapatay na ni Vitangcol ang kabuhayan ng mga anak-pawis kaya’t napapanahon na talaga ang pagsibak ni PNoy sa kanya.
Kitang-kita rin na palaban ang embahador ng Czech republic dahil kung hindi siya nagsasabi ng totoo ay hindi niya papatulan ang hamon ni Vitangcol sa isyu ng immunity.
Totoong tiyak ang sinasabi ni Rychtar dahil lumabas siya sa kanyang immunity at dito dapat umaksyon na agad ang Palasyo.
Tiyak na marami pang kabulukang nangyayari sa MRT operation kagaya sa usapin ng kita, kaya’t dito napapanahon ang paghahanap ng bagong pinuno ng naturang ahensiya na may malasakit sa bayan dahil tao ang napeperhuwisyo rito.
Alvin Feliciano