PAGPAPATATAG ng kapit sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto ag pakay ng apat na koponang tampok sa magkahiwalay na laban sa PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Maghaharap ang Rain or Shine at Air 21 sa ganap na 5:45 pm at susundan ito ng salpukan ng San Mig Coffee at Meralco sa ganap na 8 pm.
Ang Elasto Painters at Express ay kapwa may 3-4 karta at kapwa galing sa pagkatalo.
Ang Rain Or Shine ay naungusan ng Talk N Text, 85-82 noong Miyerkoles sa isang laro kung saan hindi na nakapaglaro ang import ng Tropang Texters sa second half.
May pag-asa sanang magwagi ang Elasto Painters sa larong iyon subalit nabitiwan ng import na si Devon Wayne Chism ang bola sa dalawang magkasunod na pagkakataon sa endgame.
Hindi din nakapag-coach para sa Elasto Painters si Joseller “Yeng’ Guiao na nasa abroad bunga ng isang business trip. Siya ay hinalinhan ng kanyang assistant na si Caloy Garcia. Si Guiao ay babalik sa bench ng Elasto Painters mamaya.
Ang Air 21 naman ay tinambakan ng San Mig Coffee, 97-84. Sa larong iyon ay hindi nakaporma ang import ng Air 21 na si Wesley Witherspoon sa matinding depensa ng Mixers.
Ang San Mig Coffee ay galing naman sa 97-88 pagkatalo sa San Miguel Beer noong sabado at bumagsak sa 4-3 record. Dahil doon ay lumabo na ang tsansa ng Mixers na makamtan ang No. 2 spot at twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Kaya naman ang tunay na target ng tropa ni coach Tim Cone ngayon ay ang manatili sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto sa pagtatapos ng elims. Ang mga koponang nasa puwestong ito ay papasok sa best-of-three quarterfinals.
Naseguro ng Meralco Bolts ang pagpasok sa quarterfnals nang makabalik sila sa 22-puntos na kalamangan ng Barako Bull at magwagi noong Biyernes para sa 4-4 record.
Sa import match-up ay magtutuos sina James Mays ng San Mig Coffee at Darnell Jackson ng Meralco. (SABRINA PASCUA)