INAASAHANG lalagdaan na ng Filipinas at United States ang military deal o ang kasunduan sa Enhance Defense Cooperation (EDC) sa Abril 28 o 29 kasabay ng pagbisita ni US President Barack Obama sa bansa.
Ngunit nilinaw ng Malacañang na hindi kailangan madaliin ang pagsumite ng nasabing draft para sa pagrepaso ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. Ayon kay Defense Undersecretary at Philippine negotiating panel Chairperson Pio Lorenzo Batino, kanila nang isusumite ang draft kay Pangulong Aquino na kanilang napagkasunduan ng US negotiating panel hinggil sa pagpapaigting ng presensya ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Kabilang sa nakapaloob sa kasunduan ay ang paggamit ng mga Amerikano sa military base ng Filipinas para sa maritime at humanitarian operations at ang pagtulong ng US sa pagpapaigting ng depensa ng bansa laban sa China sa pinag-aagawang West Philippine Sea. Iginiit ni Batino, alinsunod sa Konstitusyon ng Filipinas ang nasabing kasunduan at tiniyak na hindi magtatayo ng military base ang US sa bansa. (KARLA OROZCO)