PLANO ng board of governors ng Philippine Basketball Association na muling magpulong pagkatapos ng Semana Santa upang pag-usapan ang mga kondisyon na ibibigay nito sa tatlong mga baguhang koponan na sasali sa liga sa susunod na season.
Sinabi ni Komisyuner Chito Salud na nais lang ng liga na bigyan ng pagkakataon ang North Luzon Expressway, Blackwater Sports at Kia Motors na magpalakas ng kani-kanilang mga lineup.
Naunang hindi pinayagan ng PBA ang tatlo na makuha ng direct-hire na manlalaro mula sa PBA D League dahil walang koponan ang Kia sa amatyur.
“While initial concessions had been granted, the Board of Governors has agreed to take a second look at these preliminary concessions for the purpose of giving the three expansion teams the opportunity to have a competitive lineup,” wika ni Salud.
Gagawin ang susunod na pulong ng PBA board sa Abril 24.
“We’re going to issue a formal letter of acceptance to all these new teams,” dagdag ni PBA chairman Ramon Segismundo. “We expect them to reply and they are free to write whatever they can write since this is a free country.”
Samantala, boto ang ilang mga manlalaro sa expansion sa PBA dahil pagkakataon nila ito na makabalik sa paglalaro at magkaroon ng dagdag na trabaho. (James Ty III)