PAPASOK sa huling dalawang games nila sa maikling elimination round ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup ay nasungkit na ng Talk N Text Tropang Texters ang twice-to-beat advatage sa quarterfinals.
Ito ay bunga ng pangyayaring napanatili nilang malinis ang kanilang record nang magposte sila ng pitong sunud-sunod na panalo.
Kumbaga’y puwede na sanang magpa-easy-easy ang Tropang Texters ni coach Norman Black. Puwede na silang umiwas sa injury, sumubok ng kung anu-anong kumbinasyon at paghandaan na lang ang quarterfinals.
In short, bale wala na kung mananalo sila o matatalo sa nalalabing dalawang games.
Pero para kina Black, walang no-bearing games.
E ano kung pasok na sila sa quarterfinals?
E ano kung may twice-to-beat advantage na sila?
E ano kung sigurado na silang No. 1 sa pagtatapos ng elims?
Idagdag mo pa dito ang katanungang: E ano kung may injury ang import namin at hindi makapaglalaro?
Aba’y sa kabila ng lahat ng ’e anong” ito ay nagawa o ginawa ng Talk N Text na ipanalo ang mga laro nila kontra Rain Or Shine noong Miyerkoles at Globalport noong Biyernes.
Laban sa Elasto Painters ay isinugod sa ospital ang import na si Richard Howell sa halftime dahil lumagabag ito at nanakit ang balikat. Sa kabila nito’y nagwagi pa rin ang Tropang Texters, 85-82.
Laban sa Batang Pier, kahit wala si Howell, naungusan pa rin ng Talk N Text ang kalaban, 92-91.
Statement wins ito para sa Talk N Text.
Gustong-gusto ng Tropang Texters na makabawi sa pangyayaring nawala sa kanila ang korona sa nakaraang Philippine Cup.
Biruin mong kaya nilang manalo kahit na walang import!
Hindi kaya kinakabahan na ang sinumang makakalaban ng Tropang Texters sa mga susunod na rounds?
Sabrina Pascua