SA kabila ng pagtutok nang mahigit sa 200 pulis mula sa Cavite Police Provincial Office (PPO), bigo pa rin makilala at maaresto ang tunay na responsable sa brutal na pagpatay sa tabloid correspondent na si Rubie Garcia sa Bacoor, Cavite, noong Abril 6.
Una nang inihayag ni Cavite PPO director, Sr. Supt. Joselito Esquivel na agad siyang bumuo ng team na binubuo ng 10 porsyento ng kabuuang bilang ng kanyang mga pulis para tumutok sa kaso ng pagpatay kay Garcia.
Ngunit sa kabila nito, lumipas na ang isang linggo ay wala pa rin malinaw na resulta sa imbestigasyon sa nasabing kaso.
Matatandaan, pinaslang ng hindi nakikilalang gunman si Garcia sa limang tama ng punglo ng baril sa katawan nang pasukin sa bahay ang biktima sa Tramo St., Brgy. Talaba 7, Bacoor City, Cavite.
Makalipas ang ilang araw, iniulat na naaresto ang suspek sa Cavite City, ngunit hindi positibong kinilala ng saksi.
Kamakalawa, nagsagawa ng demonstrasyon ang samahan ng mga mamamahayag patungo sa Camp Pantaleon Garcia upang makipag-dialogo kay Esquivel kaugnay sa nasabing krimen.
Kabilang sa mga lumahok ay ang NUJP representatives, grupo ng mga mamahayag sa Cavite at mga kasapi ng Alab ng Mamamahayag (ALAM).
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makompirma ng Cavite PPO kung ano ang tunay na motibo sa pagpaslang sa biktima kasunod ng mga anggulong tinitingnan na may kaugnayan sa trabaho at pagpapautang.
(BETH JULIAN)