UMAASA ang Palasyo na mapatutumba ni pambansang kamao Manny Pacquiao ang katunggaling si Timothy Bardley, Jr., sa kanilang rematch ngayon sa Las Vegas, Nevada.
“Ang mensahe po natin doon sa Pambansang Kamao ay umaasa po tayong isa na namang pagtumba ang mangyayari at mananaig. Confident tayo na mananaig si Manny Pacquiao over Timothy Bradley,” ani Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Nakikiisa aniya ang Malacañang sa hangad ng sambayanang Filipino na makapag-uwi muli ng karangalan ang Pambansang Kamao.
ni ROSE NOVENARIO
PACMAN VS BRADLEY FREE VIEWING SA MAYNILA, MARIKINA
MAPAPANOOD nang libre sa ilang lugar sa Kamaynilaan ang muling sagupaan nina Manny “Pacman” Pacquiao at Timothy Bradley ngayong Linggo.
Pitong pampublikong lugar ang libreng magpapalabas ng pinakaaaba-ngang rematch.
Sa San Andres Complex, sinubukan na ang gagamiting satellite at hinihintay na lamang ang mga upuan at big screen na ipupwesto sa gitna ng court.
Ayon kay Garry Cagambang, officer-in-charge ng San Andres Complex, nasa 6,000 ang seating capacity ng sports complex pero tinatayang aabot sa 10,000 hanggang 11,000 ang manonood.
Inabisohan niya ang mga may ticket na pinadaan sa mga opisyal ng barangay na pumasok sa harapan ng sports complex habang ang mga hindi nabigyan ng ticket, maaari pa rin manood depende kung may bakante pang pwesto.
Inaasahan din sa San Andres Complex manonood si Mayor Erap Estrada.
Bukod sa San Andres complex, libre rin mapapanood ang laban sa mga sumusunod: Tondo Sports Complex, Patricia Sports Complex (District II), Delpan Sports Complex (sa port area), Rasac Covered Cour (sa Rizal Avenue), Dapitan Sports Complex, Sarmiento Covered Court (Sta. Mesa).
Samantala, inianunsyo ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang “free viewing” sa Pacquiao vs Bradley rematch ngayong araw.
Libreng mapapanood ng mga taga-Marikina ang laban nina Manny Pacquiao at Timothy “Desert Storm” Bradley sa mga piling lugar sa lungsod simula 9:00 a.m.
Nakapwesto na ang mga malalaking TV monitor sa Marikina City Hall Quadrangle, Freedom Park, Parang Playground, Brgy. Parang, at Liwasang Kalayaan sa Brgy. Marikina Heights.
Ang sagupaan ay para sa WBO Welterweight title ni Pacquiao at Bradley ay gaganapin sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas Nevada, Abril 12, oras sa Estados Unidos.
(LEONARD BASILIO/ED MORENO)