WALANG piyansa ang serious illegal detention na kinakaharap nina Deniece Cornejo, Cedric Lee at limang iba pang akusado.
Naghain ng motion for the determination of probable cause ang kampo nina Lee at Cornejo ukol sa kasong serious illegal detention na iniakusa ng aktor na si Ferdinand “Vhong” Navarro.
Ngunit ilang minuto makaraan ang pagsusumite ng mosyon, ipinabalik ito ng Taguig regional trial court (RTC) sa abogado nina Cedric dahil hindi nasunod ang judicial process.
Kahapon ng umaga, isumite ng abogado nina Lee at Cornejo na si Atty. Howard Calleja, ang mosyon makaraan isampa kamakalawa ng Department of Justice (DoJ) ang kaso laban sa kanyang mga kliyente.
Layunin ng hirit ni Calleja na mismong ang korte na ang tumingin sa kaso kung may basehan para umusad.
Paniwala ng kampo nina Lee at Cornejo, walang batayan para kasuhan sila ng serious illegal detention dahil nagdepensa lamang sila sa sinasabing panggagahasa ni Navarro sa modelo.
Kabilang din sa mga akusado sina Bernice Lee, Simeon Raz, Jose Paolo Calma, Ferdinand Guerrero at Jed Fernandez.
Ano mang araw ay posibleng maglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa mga akusado.
ni JAJA GARCIA