BUTUAN CITY – Umani ng positibong reaksyon at komento mula sa mga sibilyan, mga motorista at kahit sa iba’t ibang sektor ng komunidad ang nag-click ngayon na “gay initiative” na ini-adopt ng mga tauhan ng 133rd Regional Public Safety Company (RPSC) na idine-deploy sa kanilang checkpoint sa Agusan del Sur.
Napag-alaman, dahil sa layunin ng Philippine National Police (PNP) na mapalapit sa komunidad, kasama sa inisyatibang kanilang ipinatupad ang pagpapakilos na parang mga bading sa naka-deploy na mga pulis na naka-full battle gear.
Partikular na gumawa nito ang mga na-deploy sa checkpoint sa bayan ng Bunawan, Agusan del Sur na kilalang rebel-infested area.
Sa ngayon ay friendly environment na ang mararamdaman ng mga tao sa naturang lugar dahil walang tensyon o kabang mararamdaman ang mga daraan sa naturang checkpoint lalo na’t parang tunay na bading na mga pulis ang mag-i-inspect sa kanila at sa kanilang mga sasakyan.
Ayon sa mga pulis, asiwa man sa una ay nasasanay na sila lalo na’t nababawasan ang kanilang pagod at init na nararamdaman, kung palaging mga ngiti at masayang pagbati ang sumasalubong sa kanila.