MALIIT ba ang mga kamay ni Wayne Chism o mahina lanng talaga sa rebounding?
Iyan ang katanungang bumalibol sa isipan ng mga fans ng Rain Or Shine matapos na matalo ang kanilang paboritong koponan sa nangungunang Talk N Text, 85-82 noong Miyerkoles.
Iyon ang ikaapat na kabiguan ng Elasto Painters na ngayon ay kasama ng Barangay Ginebra, Meralco at Air 21 sa ikalima hanggang ikawalong puwesto sa kartang 3-4.
Medyo malabo pa ang kanilang sitwasyon kung pagpasok sa quarterfinals ang pag-uusapan kasi puwede pa silang malaglag sa ikasiyam na puwesto sakaling makaremate ang Barako Bull.
Kaya naman naitanong kung maliit ang kamay ni Chism ay dahil sa tila hindi nito matanganang mabuti ang bola sa rebound situations.
Aba’y siya ang pinakamatangkad na manlalaro sa hardcourt noong Miyerkoles dahil sa hindi na nakapaglaro sa kabuuan ng second half ang import ng Talk N Text na si Richard Howell na nagtamo ng injury at kinailangang dalhin sa ospital
Dapat sana ay dinomina na ni Chism ang shaded area at pinagkukuha na ang lahat ng rebounds.
Sa halip ay hindi niya ito nagawa.
Kaya naman nakalamang ng 16 puntos ang Talk N Text!
Pero nakahabol ang Rain Or Shine at naibaba ito sa dalawang puntos, 84-82.
Puwede sanang tumabla ang Rain Or Shine pero nagmintis si Paul Lee sa kanyang tira at hindi nakuha ni Chism ang rebound. Sa halip ay humulagpos pa sa kamay niya ang bola at gumulong palabas.
Sa sumunod na play ay nabigyan ng dalawang free throws ang Talk N Text subalit hindi pumasok kapwa ang mga ito.
Akalain mo ba namang nawala pa sa kamay ng nagsosolong rumebound na si Chism ang bola. Ano ba iyon?
Maliit ba ang kamay niya? O maliit ang utak?
Aba’y tagilid ang Rain Or Shine kapag nagkataon!
Sabrina Pascua