TULUYAN nang ibinasura ng Department of Justice (DoJ) ang kasong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo laban sa TV host/actor na si Vhong Navarro.
Ito’y batay sa inilabas na resolusyon ng panel of prosecutors na may hawak sa kaso.
Kasabay nito, isinampa na ang kasong serious illegal detention at grave coercion laban kina Cornejo, Cedric Lee at iba pang akusado kaugnay ng pambubugbog kay Navarro.
Ang isinampang kaso ng mga opisyal ng DoJ ay may case number 153705.
Kabilang sa mga kinasuhan ng DoJ ay sina Bernice Lee, Simeon Palma Raz, Jr., Jose Paolo Calma, Ferdinand Guerrero at Sajed Fernandez.
Batay ito sa 42 pahinang consolidated resolution na may petsang Abril 4, 2014 na inaprubahan ni Prosecutor General Claro Arellano at pirmado ng DoJ panel of prosecutors.
Tatlong elemento ng kasong serious illegal detention ang nakita sa reklamong isinampa ni Vhong, kasama na ang deprivation of liberty o pagkakait ng kalayaan at infliction of serious physical injury.
Kasama sa kasong ipinasasampa laban sa pitong respondent ang reklamong grave coercion dahil sinasabing pinilit si Navarro na lumagda sa blotter nang labag sa kanyang kagustuhan.
ni layana OROZCO
3RD RAPE CASE SINAGOT NA NG KAMPO NI NAVARRO
INIHAIN na ni TV host-actor Vhong Navarro kahapon ang kanyang counter-affidavit kaugnay sa pangatlong rape complaint na isinampa sa kanya.
Si Navarro ay sinamahan ng kanyang abogadong si Alma Mallonga sa paghahain ng kanyang counter-affidavit sa fiscal’s office sa Quezon City Hall of Justice dakong 11 a.m.
Ayon kay Mallonga, imposible ang akusasyong rape dahil ang sinasabing biktima na stuntwoman ay maaaring lumaban dahil isa siyang judo practioner.
Ang pangatlong rape complaint laban kay Navarro ay isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office nitong nakarang linggo.
Ayon sa affidavit ng stuntwoman, naganap ang insidente noong Setyembre 2009 sa loob ng sports utility vehicle (SUV).
Aniya, tumigil lamang si Navarro sa pagmolestiya sa kanya nang magbanta siyang kakagatin ang ari ng aktor.
Unang sinampahan ng kasong rape ang aktor ni model Deniece Cornejo nitong Enero. Nitong Pebrero, naghain din ng kaparehong reklamo laban sa aktor ang beauty contestant na si Roxanne Acosta Cabanero.