MAGBIBIGAY ng karagdagang P50,000 ang Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa sino mang makapagtuturo sa mga responsable sa pagpatay sa reporter ng Remate tabloid na si Rubie Garcia.
Bunsod nito, aabot na sa P150,000 ang nakalaang pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip sa mga suspek sa krimen.
Ayon kay ALAM national chairman Jerry Yap, handang magbigay ang nasabing grupo ng dagdag sa reward money na ipinalabas nina Bacoor Mayor Strike Revilla at Cavite Gov. Jonvic Remulla para mahuli ang mga pumatay kay Garcia, 52-anyos, NPC regular member, Remate correspondent, at lider ng ALAM sa Cavite.
“Maliit na pera ang P50,000 pero sana’y makatulong ito para magkalakas-loob ang mga may nalalaman sa kaso.
“Ayaw na namin umasa sa pangakong Daang Matuwid ni Pres. Benigno Aquino III,” dagdag ni Yap. Lalo nga-yong sangkot umano ang isang colonel ng PNP, malamang pagtakpan na naman kung sino ang totoong may kasalanan. Matagal na kaming na-kikiusap sa gobyerno na imbestigahan ang mga salarin sa media killings pero walang nangyayari. Mas mabuti siguro, na tayo-tayo na lang ang magprotekta sa ating mga sarili. Walang silbi ang mga task force na nilikha ng Department of Justice (DoJ) at PNP.”
Matatandaan, pinagbabaril hanggang mapatay si Garcia sa loob ng kanyang bahay sa Bacoor, Cavite noong Linggo, Abril 6, dakong 9 a.m.
(KARLA OROZCO)