BINASAHAN ng sakdal sa kasong serious detention sa Quezon City Regional Trial Court Branch 18 ni Judge Madonna Echiverre, ang mag-asawang Wilma Austria Tiamzon at Benito Tiamzon sa Quezon City Hall of Justice pero tumangging magpasok ng plea ang dalawang lider ng Communist Party of the Philippines (CPP).
TUMANGGING magpasok ng ano mang plea ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon nang basahan sila ng sakdal dahil sa mga kasong kidnapping.
Para sa dalawa, hindi sila naniniwala sa prosesong iyon kaya hindi sila nakibahagi sa arraignment.
Ginawa ang pagbasa ng sakdal sa Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) bago magtanghali kahapon.
Dahil dito, ang korte na lamang ang nagpasok ng not guilty plea para sa dalawa bilang bahagi ng proseso sa hukuman.
Ang dalawang communist party official ay matatandaang inaresto ng mga awtoridad kamakailan sa Carcar, Cebu.
Pagkatapos ng arraignment, ibinalik sila sa Camp Crame detention facility.
(LAYANA OROZCO)