BAGUIO CITY – Idineklarang constitutional ng Supreme Court en banc ang pag-iral ng Republic Act No. 10354 o mas kilala bilang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act.
Ayon kay SC PIO chief, Atty. Theodore Te, ito ang naging pasya ng ng mga mahistrado ng Kataastaasang Hukuman sa isinagawang sesyon sa lungsod ng Baguio kahapon.
Magugunitang 14 petisyong kumukuwestiyon sa legalidad ng RH Law ang naihain sa korte mula noong nakaraang taon, makaraan itong malagdaan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bilang ganap na batas.
Ngunit batay sa desisyon ng SC, bagama’t legal ang batas, hindi pinayagan ang mga probisyon sa Section 7 at 23.
Ang Section 7 ay may kaugnayan sa access sa family planning, habang sa Section 23 ay ang listahan ng “prohibited acts.”
Masayang-masaya ang mga pabor sa RH Law na nagsigawan pa makaraan marinig sa anunsyo ang desisyon ng SC.
Ngunit desmayado ang ilang grupo na kontra sa nasabing batas, lalo na ang mga opisyal ng Simbahang Katoliko.
(KARLA OROZCO)