SA linggo na ang laban nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley sa MGM Grand, Las Vegas.
Kung sa unang paghaharap nila ay liyamadong-liyamado si Manny kay Tim, ngayon ay halos pantay na sa sugalan sa Las Vegas ang odds.
Siyempre, ibang Bradley na ang makakaharap ngayon ni Pacquiao kumpara noong una silang naglaban na natalo ang Pinoy pug sa isang kontrobersiyal na split decision.
Pagkatapos kasing manalo ni Bradley kay Pacman, dalawang malaking panalo ang inirehistro niya kontra kina Provodnikov at Juan Manuel Marquez.
Ganoon pa man, marami pa ring eksperto ang naniniwala na liyamado sa laban si Pacquiao base na rin sa huling laban nito kay Bam Bam Rios na kung saan ay dinomina ng Pinoy fighter via 12 round unanimous decision.
Alam naman natin ang kalidad ni Pacquiao, mabagsik ito kapag rematch na ang pinag-uusapan. Di ba’t nilapa niya sa rematch sina Antonio Barrera, Eric Morales at iba pa.
Mas lalong mabagsik si Pacquiao kapag natatalo siya. Hindi siya ang klase ng boksingero na kapag natalo ay sumisisid na ang boxing career. May kalidad siyang bumalik ng may bagsik.
Ipinakita niya iyon pagkatapos ng pagkatalo kina Torrecampo at 3K Battery. Nagawa niyang makarating sa rurok ng tagumpay pagkatapos ng mga kabiguang iyon.
Kaya tingin natin—kung iikot lang ang kasaysayan niya sa ring, kakawawain niya si Bradley.
Nag-aalala lang tayo sa ngayon dahil medyo kumakapit na rin sa kamao ni Pacman ang edad. Dagdag pa roon ang pagbabago niya ng paniniwalang ispirituwal.
At ang isa pang hinahanap ko kay Pacman ay ang dati niyang gutom sa boksing.
Nakuha kaya niyang muli iyon pagkatapos ng talo kay Juan Manuel Marquez?
Alex L. Cruz