LUMIKHA ng matinding kontrobersiya ang Fil-Am model at activist na si Geena Rocero matapos na ibulgar sa panayam sa kanya ng TED Talk na siya’y isang transgender na ipinanganak na isang lalaki.
Isinilang si Rocero sa Filipinas at nang nagbinata ay lumahok sa ilang gay beauty pageant bago nag-migrate sa Estados Unidos para maging isang modelo. Ayon sa kanya, karamihan ng kanyang mga kaibigan, kasamahan, at maging ang kanyang talent agent ay walang alam sa kanyang background.
”Naaalala ko pa nang tingnan ko ang aking California driver’s license a may pangalang Geena at gender marker na F. Matindi iyon. Para sa ibang tao, ang kanilang I.D. ang siyang lisensiya nila para magmaneho o kahit uminom ng alak, pero para sa akin, iyon ang lisensya para ako’y mabuhay, at maramdamang mayroon akong dignidad,” aniya.
Nang makarating siya sa U.S. noong 2001, sumailalim si Rocero sa gender reassignment surgery kaya ipinakilala niya ang sarili bilang babae. Ipinaliwanag ni Rocero na lumabas siya para pataasin ang ‘transgender visibility’ at tulungan ang iba para yakapin at bigyang kahulugan nang legal ang kanilang gender preference.
Kinalap ni Tracy Cabrera