INILABAS na ng Cavite police ang cartographic sketch ng gunman sa brutal na pamamaslang sa reporter ng Remate sa Bacoor City, Cavite na si Rubie Garcia.
KINOMPIRMA ng pamunuan ng pambansang pulisya ang pagkasibak sa pwesto ng chief of police ng Tanza, Cavite dahil sa pagkakasangkot sa pagpaslang sa radio-print reporter sa Bacoor, Cavite nitong Linggo.
Ayon kay PNP PIO C/Supt. Reuben Theodore Sindac, dahil sa pagkakasangkot ng pangalan ni Supt. Villanueva sa pagpatay sa news reporter na si Rubylita Garcia, epektibo kahapon ang pagkasibak niya sa pwesto.
Itinalaga si Supt. Joseph Salom Javier bilang officer-in-charge ng Tanza Police Station.
Sinabi ni Sindac, ang pag-relieved kay Villanueva ay upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa kaso, para maiwasan ang ano mang pag-impluwensya ng opisyal sa imbestigasyon.
Si Cavite Police Provincial director, S/Supt. Joselito Esquivel ang mamumuno sa binuong special investigation task group na tututok sa pagresolba sa kaso ng pinaslang na reporter.
(KARLA OROZCO)
MANHUNT VS SUSPEK SA MEDIA KILLING IPUPURSIGE — PALASYO
TINIYAK ng Palasyo na ipupursige ang pagtugis sa mga pumaslang kay lady journalist Rubylita Garcia upang mabigyan ng hustisya ang kanyang kamatayan.
Ipinaabot din ng Malacañang ang pakikiramay sa mga naulila ng mamamahayag.
“We extend our condolences to the family of the late Rubylita Garcia and we promise that we will pursue this heinous death of… And we will, as we have said, tracker teams are already in place to look for the suspect,” ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda kahapon.
Base sa update na ipinadala ng Camp Crame sa Palasyo, nabatid na may nabuo nang artist’s sketch ng salarin, batay sa pahayag ng isang testigong hindi muna tinukoy ang pangalan.
“A dedicated tracker team was organized and conducting follow up operations against the suspect,” sabi sa PNP report.
Si Garcia, 52, lider ng ALAM sa Cavite, NPC regular member, at Remate Cavite correspondent, ay pinasok at pinagbabaril kamakalawa dakong 9 a.m. ng tatlong armadong suspek sa mismong bahay niya sa Bgy. Talaba 2, Bacoor.
(ROSE NOVENARIO)