MALAPIT na ang laban nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley.
Panay na ang palabas ng mga psywar ng dalawang kampo. Si Bradley ay panay ang paninindak ang sinasabi. Sa kampo naman ni Pacquiao, tahimik lang na panay ang ensayo ng dating hari ng pound-for-pound habang sinasalong lahat ni Freddie Roach ang mga patutsada ng kabilang kampo.
Katulad na lang ng ipinalabas na banta ni Bradley nitong nakaraang araw na tagilid daw si Pacman sa kanyang kaliwa. Tiyak na gugulong ang Pambansang Kamao kapag tinamaan n’on.
Natawa lang si Roach sa babalang iyon. Bumuwelta ito na hindi niya kinatatakutan ang sinasabing iyon ni Bradley dahil hindi raw dalawang kamay ang gumagana sa laban ng Kanong boksingero.
Mahalaga ang mga salong banat ni Roach sa psywar. Hindi masyadong nakakaapekto iyon sa mental conditioning ng kanyang boksingero.
At ang maganda sa tandem nila ni Pacman, hindi napapagod ang bibig ni Pacquiao sa mga salitaan. Habang dada nang dada ang kalaban ni Manny, abala naman sa ensayo ang mga kamao ng Pinoy pug.
Tingin naman ng Kurot Sundot, simula nang kabahan si Bradley sa magiging paghaharap nila ni Pacquiao. Kaya ngayon pa lang ay gumagawa na siya ng alingasngas na nagbabakasakali na magiba niya ang mental toughness nito.
Bakit nga ba hindi siya matatakot? Sa unang paghaharap nila ay halos magulpe siya ni Pacman. Katunayan ay dumalo siya sa post fight na pulong nang naka-wheelchair.
Sabi nga ng ilang miron na marunong sa boksing, baka sa pagkakataong ito ay dadalo si Bradley na naka-stretcher pagkatapos ng laban.
Alex L. Cruz