MARIING kinondena ng media group, Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang pamamaril at pagpatay sa reporter ng Remate tabloid na si Rubie Garcia.
Si Rubie Garcia, 52, NPC regular member, Remate Cavite correspondent, at lider ng ALAM sa Cavite ay pinasok kahapon dakong 9:00 am (April 6) ng tatlong armadong suspek sa mismong bahay niya sa Bgy. Talaba 2, Bacoor.
“Paulit-ulit na lamang ang pagpatay sa mga journalist sa panahon ng pamumuno ni Pres. Benigno Aquino III mula pa noong 2010,” ani ALAM national chairman Jerry Yap.
“Nangako siyang sa kanyang ‘Daan Matuwid’ ay mawawala ang ‘culture of impunity’ pero walang nangyayari. Mga inutil silang lahat!”
Idinagdag ni Yap na ang kadalasang nagiging biktima ng paninikil ay mga miyembro ng media na tumutupad sa kanilang tungkulin, at ang pinakahuli ay si Garcia.
Sa report na natanggap ni Yap, may nakasagutang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) si Garcia bago naganap ang pamamaril.
“Dapat itong paimbestigahan mismo ni Noynoy.” giit ni Yap.
“Nasaan na ang mga Task Force na ginawa nila? Nasaan ang Task Force Usig ng Department of Justice (DOJ)? Sila ang dapat humawak nito at hindi ang PNP dahil sila mismo ang sangkot.”
Idinagdag ni Yap na walang tigil ang mga mamamahayag sa pakiusap kay PNoy na bigyang katarungan ang pananakit at pagpatay sa mga nabibiktimang journalist, ngunit nagbibingi-bingihan lamang ang gobyerno.
“Heto, may malinaw na suspek,” ani Yap. “Sangkot ang PNP. Baka naman mabalewala na naman ang kaso at mabagoong sa korte,” aniya. “Araw-araw, lalong lumalakas ang loob ng media killers dahil wala naman napaparusahan. Wala na ba kaming gagawin kundi hintayin kung sino ang kasama naming susunod na ililibing? Talaga bang napakainutil ng batas para sa mga tulad naming mamamahayag?”
Nakapagtataka umanong nakatakas ang mga salarin gayong napakalapit ng bahay ni Garcia sa estasyon ng pulisya.
Dapat din umanong imbestigahan ng DOJ at ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing estasyon dahil baka may naganap na sabwatan.
“Sasabihin na naman nila, walang ebidensya, hearsay,” giit pa ng dating pangulo ng National Press Club (NPC). “Trabaho nilang humanap ng ebidensya. Pero kung ang nagpapatupad sa batas ay siya rin palang kaaway ng kalayaan sa pamamahayag, natural, walang mangyayari. Kung sino man ang nagpapatay kay Garcia, ito lamang ang masasabi ng ALAM: “Wala siyang balls. Simpleng babae lamang ang pinatulan niya at ipina-patay. Kung nagtatago siya sa uniporme, mahiya siya sa sarili niya. Mas pinuputikan niya ngayon ang dati nang maruming uniporme nila. Ngayon ako naniniwalang maraming tagapagpatupad nga ng batas ang sangkot sa mga ilegal na gawain.”
Gayonman, hindi umano magsasawa ang ALAM na manawagan sa gobyerno, lalo na sa kaso ni Garcia, na resolbahin sa lalong madaling panahon ang kaso.
“Baka sakali lang naman na meron pa silang konsensya. Umaasa kaming kahit man lamang ang kaso ni Garcia ay may patutunguhan.”
Si Garcia ay nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Saint Dominic Medical Center.
Nabatid na dalawa hanggang tatlong lalaki ang pumasok sa bahay at pinaputukan si Garcia saka mabilis na tumakas.
Nina BETH JULIAN at DANG GARCIA