Hindi bababa sa P10-milyong halaga ng piniratang DVD ang nasabat ng Optical Media Board (OMB) sa Elizondo Street, Quiapo, Maynila, iniulat kahapon.
Ito ang kinumpirma ni OMB Chair Ronnie Ricketts na sinadya nilang magsagawa ng raid kahit weekend taliwas sa nakagawian na.
“Surpise [inspection] lang ‘to on a Sunday, nag-operate po tayo kasi na-complain kasi na sa target na building, small team lang kami ngayon, positive naman ‘yung resulta,” ani Ricketts.
Tinatayang nasa 50 sako ng mga ilegal na produkto ang nasabat sa operasyon ng OMB kasama ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kaugnay nito, makikipag-ugnayan anya sila kay Mayor Joseph Ejercito Estrada at pinag-aaralan na rin ang pagbibigay ng alternatibong livelihood program sa mga sangkot sa ilegal na bentahan ng DVD.
Walang naaresto sa raid dahil nakatakbo ang mga suspek sa target na tatlong pwesto.