TINATAYANG P330,000 cash na benta sa pagbabagsak ng baboy sa palengke ng Blumentritt, ang natangay ng apat na armadong lalaki na magkaka-angkas sa dalawang motorsiklo nang holdapin ang 45-anyos negosyante, sa panulukan ng Maceda at Dimasalang Sts., Samapaloc, Maynila, kahapon ng tanghali.
Sa reklamong idinulog sa tanggapan ni Chief Insp. Francisco Vargas, hepe ng Manila Police District-Theft & Robbery Investigation Section, ng biktimang si Russel de Guzman, residente ng ng Miguelin St., Sampaloc, dakong 11:40 ng tanghali kahapon, naganap ang pangho-holdap sa nasabing lugar.
Galing sa nasabing palengke ang biktima matapos magdeliver ng baboy at maniningil sana nang salubungin sila at dikitan ng dalawang motorsiklo, habang nakasakay sa stainless van na markado ng “Meat Dealer” na minamaneho ng driver na si Ariel Peralta, 44, ng P. Guevarra st., Sta. Cruz.
Ayon sa report, tinutukan ang driver ng kalibre .45 pistola at dalawang Uzi ang itinutok sa negosyante at saka hiningi ang dalang bag at mga wallet na naglalaman ng halagang P330,000.
Nang makuha ang pakay ay pinasibad ng mga suspek ang mga motorsiklong di naplakahan patungong Dimasalang bridge. (leonard basilio)