NEAR-FLAWLESS ang naging mga executions ni Mark Barroca sa Obstacle Challenge ng 2014 PBA All-Star Weekend noong Biyernes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kung napanood ninyo ang kanyang routine, aba’y minsan lang yata nagkamali si Barroca at ito ay sa panimulang lay-up na sumablay. Agad naman niyang nakuha ang bola para sa follow-up.
Lahat ng ibinato niya na kailangang lumusot sa cylinder ay pumasok. Itoy buhat sa chest pass, bounce pass at overhead pass.
Sa three-point shot ay swak kaagad ang kanyang nang attempt kung kaya’t diri-diretso ang kanyang takbo.
Kaya naman hayun at nagkampeon siya sa Obstacle Challenge.
Winakasan niya ang limang taong paghahari ni Jonas Villanueva na naghahangad sanang pahabain ang kanyang pag-upo sa trono.
Well, umabot naman sa Finals si Villanueva pero hindi niya napantayan ang bagsik ni Barroca.
Kumbaga, bilang pakunsuwelo, aba’y iniabot ng isang dating manlalaro ng Far Eastern University ang korona sa isang dati ring Tamaraw. So okay na rin.
Mukhang taon ito ni Barroca ha.
Hindi nga ba’t siya ang nahirang na Papa John’s PBA Press Corps Most Valuable Player ng Finals ng nakaraang Philippine Cup kung saan tinulungan niyang magkampeon ang San Mig Coffee.
Oo’t hindi siya ang nahirang Best Player of the Conference. Pero ibig sabhin, siya ang Mixer na may pinakamagandang performance. Kaya puwedeng maging contender na rin siya para sa Most Valuable Player award sa dulo ng kasalukuyang season.
Malayo na nga talaga ang narating ni Barroca.
At marami pa siyang makakamit na karangalan!
Sabrina Pascua