MATINDING depensa ang naging puhunan ng defending champion Alaska Milk upang makakumpleto ng three-game winning streak bago nagkaroon ng break ang PLDT Home TVolution PBA Commissioners Cup upang bigyang daan ang pagsigwada ng 2014 All-Star Weekend.
Buhat sa 1-3 karta ay umangat ang Aces sa 4-3 karta para sa solo fourth place.
So, kung natapos ang elimination round noong Miyerkoles, aba’y sakto na ang Alaska Milk sa best-of-three quarterfinals kung saan mapupunta ang mga koponang nasa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto.
Iyon kasi ang target ng mga teams na hindi makakakuha ng top two spots na magbibgay sa kanila ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Upang umangat sa ikaapat na puwesto ay tinalo ng Alaska Milk ang Air 21, 88-78 noong Marso 17. Isinunod ng Aces ang powerhouse San Miguel Beer, 89-78 noong Marso 29 sa kauna-unahang out-of-town game ng PBA sa Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna. At noong ngang Miyerkoles ay dinaig nila ang Barako Bull, 78-71.
Ang patunay na pinatindi ni coach Luigi Trillo ang kanilang depensa?
Ang Air 21 ay may average na 91 puntos pero nalimita nila sa 78. Ang San Miguel Beer ang No. 1 offensive team ng torneo sa average na 105 puntos pero nalimita sa sa 78. Ang Barako Bull ay may average na 8 puntos pero nalimita sa 71.
Matindi, ano po?
Isa lang ang ibig sabihin nito. Masisipag ang Aces sa paghabol sa kanilang binabantayan. Hindi madadaling tira ang ipinamimigay nila sa kanilang kalaban. Mas madali kasing umopensa kaysa sa dumepensa. Ang opensa ay masaya samantalang ang depensa minsan ay nakakatamad.
Pero desidido ang Alska Milk na mapanatili ang kanilang koponan kaya masipag ang Aces.
Sabrina Pascua