NAKATUTOK ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa posibleng kitain ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa nalalapit na laban kay Timothy Bradley sa Abril 13.
Naniniwala si BIR Commissioner Kim Henares, natuto na si Pacquiao sa tamang pagdedeklara ng kanyang income sa paglalaro ng boksing sa labas ng bansa.
Ayon kay Henares, inaasahan niyang tapat na magbabayad ang Filipino ring icon ng 32 percent share tax mula sa kanyang fight purse sa Las Vegas.
Sinabi ni Henares, kailangang isama ni Pacquiao sa kanyang 2014 Income Tax Return ang kanyang kikitain sa Bradley rematch.
Una rito, inianunsyo ni Top Rank chief executive Bob Arum na may guaranteed $20 million na premyo si Pacquiao sa rematch kay Bradley.
Dagdag paalala pa ng BIR chief kay Pacman, tiyakin na “documented” ang mga buwis na babayaran sa Amerika para hindi na magkaaberya pagdating ng singilan dito sa Filipinas.
(LAYANA OROZCO)