PINAYAGAN ng Sandiganbayan ang apela ng dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na makasama ang pamilya sa kanyang kaarawan sa Abril 5.
Una nang hiniling ni Arroyo sa anti-graft court na makasama ang pamilya sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi sa pagdiriwang niya ng ika-67 kaarawan sa loob ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Ang dating pangulo ay kasalukuyang naka-hospital arrest dahil sa kasong plunder.
GMA BINATI NG PALASYO
NAGPAABOT ng maagang pagbati ang Palasyo kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo makaraan payagan ng Sandiganbayan na maka-pagdiwang ng ika-67 kaarawan kapiling ang kanyang pamilya sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) mula Abril 4 hanggang 6.
“ Binabati po natin siya sa kanyang kaarawan, at sana’y maging maligaya ‘yung kanyang pagdiriwang, kasama ng kanyang mga mahal sa buhay,” sabi kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.
Pangatlong pagdiriwang na ito ng kaarawan ni Arroyo sa VMMC habang siya ay naka-hospital arrest bunsod ng mga kasong electoral sabotage at plunder.
(ROSE NOVENARIO)