HINDI pinagbigyan ng Court of Appeals (CA) ang inihaing petisyon ni Janet Lim Napoles na humihirit na ibasura ang naunang resolusyon ng Department of Justice (DoJ) na nagdidiin sa negosyante sa kasong serious illegal detention.
Sa ipinalabas na desisyon ni Associate Justice Ramon Garcia, tinukoy ng appellate court na wala siyang nakitang matibay na kadahilanan para baliktarin ang desiyon ng DoJ.
Bukod kay Janet, dawit din sa kaso ang kapatid niyang si Reynald Lim.
Sa ngayon, kasalukuyang naka-detain ang negosyante sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna habang si Reynald ay patuloy pa ring nagtatago.
Bukod sa nasabing kaso, nahaharap din sa imbestigasyon si Napoles kaugnay sa multi-billion peso pork barrel scandal.